Thursday, 4 October 2012

NAGWAWALANG IMAHINASYON


Kaya nga ba ayokong manonood ng mga nakakatakot na pelikula eh. Ilang pelikula din itong magkakasunod na pinanood ko ngayong maghapon at lahat ay horror. Merong Korean, Japanese, English at Chinese. Naku, talaga namang nakakatakot at effective ang pananakot nila.  Ang tapang-tapang habang pinanonood kasi may araw pa.  Pero ng dumilim na at natapos na ng panonood, eto at halos hindi na makaakyat sa kwarto sa itaas ng nag-iisa!

Ang aking imahinasyon ay nagwawala na naman. Ha? Nagwawala, hindi nawawala. Sa edad kong ito, naduduwag pa din ako sa tuwing matatapos akong manood ng mga horror films.  Bawa't anino na nakikita kong gumagalaw ay iba ang dating sa aking imahinasyon.  Yun pala, anino lang ng mga dahon na gumagalaw mula sa puno sa labas ng bintana.  Bawa't munting tunog sa kalaliman ng gabi ay may kakaibang haplos sa aking natatakot na isipan.  Kahit tuloy hindi masyadong malamig ay kailangang matulog ng nakatalukbong ng kumot.

"Ma, bakit ka balot na balot ng kumot?" tanong ng panganay kong anak. "Ha, eh, wala lang, ano kasi, nilalamok ako. Oo, ang daming lamok!"  Hay naku, kailangan pang magsinungaling para lang hindi mapagtawanan ng mga anak.  At kapag nalaman nilang natatakot na naman ako pagkatapos kong manood ng mga horror films, naku, lalo pa nila akong tatakutin.  Ang babait talaga nila.

Ewan ko ba kung bakit ako ganito.  Masyado kasing malikot ang aking imahinasyon kaya naman grabe kung magwala ito at kung saan-saan ako dinadala, hanggang sa aking pagtulog.  Pati ba naman itong shower curtain dito sa banyo ay hindi ko mahawi dahil sa takot na baka may kung anong nakakatakot sa kabila nito?  


Pero ganoon pa man, gustung-gusto ko pa ring manonood ng mga horror films, basta hindi sa gabi at dapat may mga kasama akong nanonood.  Tapang-tapangan. Bahala na pagkatapos.  Habang pinapanood ko sila, aliw na aliw ako sa takot.  Pero kapag tapos na at pagsapit na ng dilim, hindi na nakakaaliw.  Nakakabaliw na ang mga larawan na nagsasayawan mula sa aking nagwawalang imahinasyon.

Kung wala naman mapanood na horror, mga pocketbooks naman na horror at suspense ang pinag-aaksayahan ko ng panahon.  Paborito ko yung mga istorya na sinulat nina Stephen King at Dean Koontz.  Tulad ngayon, matapos kong mag-marathon sa panonood ng horror, may bago naman akong pocketbook na binabasa. Suspense talaga kaya matindi din ang pagwawala ng aking imahinasyon. Nakakatakot man pero hindi ko mabitawan hangga't hindi tapos.

Mapa-pelikula o babasahin man, horror pa din! Pero sige lang.  Bahala na pagkatapos. Matutulog na lang ulit ng nakatalukbong ng kumot at iisnabin ang pagwawala ng imahinasyon.  Sanayan lang, kahit minsan may kakaibang kaba na at gumagalaw na ang mga nakikita sa guni-guni.  Kung minsan pa, nagtitindigan na ang mga balahibo sa lahat ng parte ng katawan, sige pa din.  Kaya naman minsan, kahit sa pagtulog, napapanaginipan ko na ang mga napapanood at nababasa ko. Biglang babalikwas sa kalagitnaan ng gabi at mapapabangon, habol ang hininga. Binangungot na pala!

Ay adik sa horror! Yan ang tawag ko sa aking sarili.  Mabuti na rin yang sa horror na lang at hindi sa droga. Kapag natapos kong basahin itong pocketbook na binabasa ko ngayon, meron na ulit kasunod na nakapila. Siyempre, horror din!




Sunday, 23 September 2012

BER-MONTHS NA NAMAN!


Medyo malamig na naman muli ang panahon lalo na sa madaling araw. Kahit alam natin na may mga banta ng bagyo sa iba't ibang panig ng bansa, hindi naman maipagkakaila na sadyang malapit na naman ang kapaskuhan at ito ay nararamdaman na natin.  Hindi na talaga mapipigil, sabi nga nila, sa ayaw at sa gusto natin.

Naalala ko tuloy noong mga nagdaang panahon, maraming-maraming taon na ang nakakalipas.  Kapag ganitong mga buwan ay nag-uumpisa na kami ng aking mga pinsan at mga kalaro na mag-ipon ng mga natira naming baon na pera para pambili namin ng pagkain at mga laruan pagsapit ng pasko.  Ginagawa namin noong alkansiya yung wala ng laman na plastik na lalagyan ng isang sikat na brand ng pulbos.  Iba't iba ang sizes nun, pero ang pinipili namin ay yung pinakamalaki.  Malaki kasing lalagyan ng pulbos ang laging binibili ng nanay ko noon. Binubutasan namin ng kutsilyo yung isang bahagi ng lalagyan para doon namin hinuhulog yung mga tira naming barya araw-araw.  Tila sa panahon ngayon ay hindi na uso ang alkansiya kasi pati dalawa kong anak at mga pamangkin ay natutulala sa pagkabigla kapag naririnig nila ang mga mumunti kong kwento na tulad nito.  Pero sa maniwala kayo o sa hindi, nakakapuno kami ng dalawang malalaking lalagyan ng pulbos na punung-puno ng barya bago sumapit ang pasko. Talaga namang nakakaipon kami ng medyo malaki ding halaga kasi noong mga panahon na iyon ay malaking bagay na iyon para sa aming mga bata. 


Kapag bisperas ng Pasko, pagkatapos naming magsalo-salo sa Noche Buena, excited kaming natutulog ng may mga ngiti pa sa labi kasi isang linggo bago magpasko ay nakagawa na kami ng mga kapatid ko at mga pinsan ko ng sulat namin para kay Santa Claus at nilagay na namin ang mga iyon sa ilalim ng Christmas tree.  Kapag may nakasabit ng Christmas socks sa tabi ng Christmas tree, doon namin nilalagay ang aming mga sulat.  Sabi kasi ng lola namin, dumadalaw daw si Santa Claus sa mga bahay kapag bisperas ng Pasko, kapag ang lahat ay mahimbing ng natutulog.  Naglalagay daw ito ng mga regalo niya para sa mga bata.  Noong mga panahon na yun ay lubos kaming naniniwala sa mga sinasabi ng lola namin, kasi naman, kinabukasan, sa araw ng Pasko, pagkagising namin ay may mga regalo nga kami galing kay Santa Claus sa ilalim ng Christmas tree!  Ilang panahon din na napaniwala kami ng mga kasabihan ni lola na tulad nito, bago namin nalaman ang totoo - kung totoo nga ba si Santa Claus at kung sino ang totoong naglalagay ng mga regalo para sa amin sa ilalim ng aming Christmas tree.


Wala din yang pinagkaiba dun sa isa pa ring sabi-sabi ng lola namin na kapag natanggal ang aming umuugang ngipin, itago daw namin iyon sa ilalim ng unan at siya naming higaan sa gabi. Sa hatinggabi daw ay may Tooth Fairy na darating para kunin ang natanggal na ngipin at papalitan niya iyon ng piso!  Oo, piso! Piso para sa ngipin na natanggal! At siya namang totoo.  Pagkagising namin kinabukasan ay wala na ang natanggal na ngipin at ang makikita namin ay ang piso sa ilalim ng aming unan.  Dalawang piso, kung dalawang ngipin ang natanggal. Noong panahon na iyon ay malaki pa ang halaga ng bawa't piso. Marami pa kaming nabibili sa isang piso.  At kung pwede nga lang ba na tanggalin naming lahat ang aming mga ngipin para mas marami kaming mga piso na makukuha galing kay Tooth Fairy.  Siyempre nga naman, kapag natanggalan kami ng ngipin at naisip namin si Tooth Fairy at ang kanyang ibibigay na piso, nakakalimutan namin ang sakit at napapalitan iyon ng pananabik na magkaroon ng piso at nagbabakasakali na baka sa isang swerteng pagkakataon ay masilayan namin kahit sa isang nakapikit at inaantok pang mata, si Tooth Fairy.


Ngayon, maraming mga taon na ang nakalipas.  Kaming mga bata ay nagsilakihan na at may kanya-kanya na ding mga pamilya.  Si lola ay matagal na ding namayapa, nguni't ang kanyang mga kasabihan at mga itinuro sa amin ay mananatiling buhay sa aming mga puso.  At kapag ganitong dumadating na ang mga ber-months at lumalamig na ang panahon, hindi ko maiwasang hindi maisip ang mga nakalakihan naming mga kwento at paniniwala mula sa lola namin tungkol kay Santa Claus, Tooth Fairy at iba pa.