Thursday, 4 October 2012

NAGWAWALANG IMAHINASYON


Kaya nga ba ayokong manonood ng mga nakakatakot na pelikula eh. Ilang pelikula din itong magkakasunod na pinanood ko ngayong maghapon at lahat ay horror. Merong Korean, Japanese, English at Chinese. Naku, talaga namang nakakatakot at effective ang pananakot nila.  Ang tapang-tapang habang pinanonood kasi may araw pa.  Pero ng dumilim na at natapos na ng panonood, eto at halos hindi na makaakyat sa kwarto sa itaas ng nag-iisa!

Ang aking imahinasyon ay nagwawala na naman. Ha? Nagwawala, hindi nawawala. Sa edad kong ito, naduduwag pa din ako sa tuwing matatapos akong manood ng mga horror films.  Bawa't anino na nakikita kong gumagalaw ay iba ang dating sa aking imahinasyon.  Yun pala, anino lang ng mga dahon na gumagalaw mula sa puno sa labas ng bintana.  Bawa't munting tunog sa kalaliman ng gabi ay may kakaibang haplos sa aking natatakot na isipan.  Kahit tuloy hindi masyadong malamig ay kailangang matulog ng nakatalukbong ng kumot.

"Ma, bakit ka balot na balot ng kumot?" tanong ng panganay kong anak. "Ha, eh, wala lang, ano kasi, nilalamok ako. Oo, ang daming lamok!"  Hay naku, kailangan pang magsinungaling para lang hindi mapagtawanan ng mga anak.  At kapag nalaman nilang natatakot na naman ako pagkatapos kong manood ng mga horror films, naku, lalo pa nila akong tatakutin.  Ang babait talaga nila.

Ewan ko ba kung bakit ako ganito.  Masyado kasing malikot ang aking imahinasyon kaya naman grabe kung magwala ito at kung saan-saan ako dinadala, hanggang sa aking pagtulog.  Pati ba naman itong shower curtain dito sa banyo ay hindi ko mahawi dahil sa takot na baka may kung anong nakakatakot sa kabila nito?  


Pero ganoon pa man, gustung-gusto ko pa ring manonood ng mga horror films, basta hindi sa gabi at dapat may mga kasama akong nanonood.  Tapang-tapangan. Bahala na pagkatapos.  Habang pinapanood ko sila, aliw na aliw ako sa takot.  Pero kapag tapos na at pagsapit na ng dilim, hindi na nakakaaliw.  Nakakabaliw na ang mga larawan na nagsasayawan mula sa aking nagwawalang imahinasyon.

Kung wala naman mapanood na horror, mga pocketbooks naman na horror at suspense ang pinag-aaksayahan ko ng panahon.  Paborito ko yung mga istorya na sinulat nina Stephen King at Dean Koontz.  Tulad ngayon, matapos kong mag-marathon sa panonood ng horror, may bago naman akong pocketbook na binabasa. Suspense talaga kaya matindi din ang pagwawala ng aking imahinasyon. Nakakatakot man pero hindi ko mabitawan hangga't hindi tapos.

Mapa-pelikula o babasahin man, horror pa din! Pero sige lang.  Bahala na pagkatapos. Matutulog na lang ulit ng nakatalukbong ng kumot at iisnabin ang pagwawala ng imahinasyon.  Sanayan lang, kahit minsan may kakaibang kaba na at gumagalaw na ang mga nakikita sa guni-guni.  Kung minsan pa, nagtitindigan na ang mga balahibo sa lahat ng parte ng katawan, sige pa din.  Kaya naman minsan, kahit sa pagtulog, napapanaginipan ko na ang mga napapanood at nababasa ko. Biglang babalikwas sa kalagitnaan ng gabi at mapapabangon, habol ang hininga. Binangungot na pala!

Ay adik sa horror! Yan ang tawag ko sa aking sarili.  Mabuti na rin yang sa horror na lang at hindi sa droga. Kapag natapos kong basahin itong pocketbook na binabasa ko ngayon, meron na ulit kasunod na nakapila. Siyempre, horror din!




No comments:

Post a Comment